Dagupan City – Nagsagawa ng ocular inspection ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Mangaldan at Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan para sa nakatakdang P5-milyong road concreting project sa Barangay Palua ngayong Miyerkules, Abril 23, 2025.

Ang proyektong may habang 400 metro ay popondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU). Layunin nitong mapabuti ang kalsadang ginagamit ng mga residente, motorista, at magsasaka sa pagbiyahe ng kanilang produkto at farm inputs.

Sa isinagawang site validation, ininspeksyon ng mga technical personnel mula sa engineering, planning, at local government operations ang lugar na sakop ng proyekto. Ayon sa kanila, kasalukuyan nang inaayos ang mga kinakailangang dokumento para sa buong implementasyon nito, katuwang ang barangay council.

Dagdag pa rito, iminungkahi rin sa ginanap na exit conference ang pagsasagawa ng dayalogo sa mga private lot owners na posibleng maapektuhan ng proyekto.