DAGUPAN CITY- Mas pinaigting pa ng Commission on Elections (COMELEC) Alcala ang kanilang paghahanda sa ilang linggong nalalabi bago ang pagsapit ng National and Local Elections (NLE) 2025 sa May 12.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Roberto Pagdanganan, Election Officer III ng nasabing tanggapan, susunod na sa kanilang hakbang ay ang Refresher briefing para sa mga may gagampanan na tungkulin sa halalan.

Sa April 25, nakatakda ang nasabing briefing para sa DESO Technical Supporting Staff. Habang sa April 28-29 naman isasagawa ang para sa Electoral Board.

--Ads--

At sa May 6 nakatakdang isasagawa ang test run ng mga Automated Counting Machine (ACM) na matatanggap ng kanilang bayan para sa 16 Polling stations na kanilang itinalaga. Sa araw na rin ito isasagawa ang final briefing sa tamang pag-handle ng ACM at pamamalakad sa eleksyon.

Sinabi ni Pagdanganan na hindi naman naging mahirap ang isinagawang training para sa mga guro dahil halos wala rin pinagkaiba ang ACM sa Voting Counting Machine (VCM).

At sa ngayon, kumpleto na ang 43 ballot box ng kanilang bayan habang hinihintay pa rin nila ang mga ACM.

Samantala, tiniyak naman nila na hindi mahihirapan ang mga nasa vulnerable sector na mapuntahan o makita ang nakatakdang silid na kanilang pagbobotohan.

Dagdag pa niya, maaari rin makita ang presinto na nakatalaga sa botante sa precint finder. Maaaring i-search ito online.

Pinaghahandaan din nila ang mga posibleng power interruption sa mismong araw ng halalan upang hindi na maging abala ang pagkawala ng kuryente para sa ACM.

Nagsasagawa na rin sila ng occular visits sa mga Polling stations upang matiyak lalo ang kaligtasan ng mga boboto.

Sa kabilang dako, nananatiling mapayapa ang kanilang bayan at walang naitatalang election-related incidents.

Kung mayroon man magreklamo hinggil vote buying, sinisigurado nilang mayroon itong matibay na ebidensya upang hindi magkaroon ng kaguluhan.

At sa nagpapatuloy na pangangampanya, patuloy ang kanilang pagtutok sa mga kumakandidato.