Mga Kabombo! Isa ka din ba sa mga mangolekta ng mga laruan? Ano naman ang iyong mga hilig?
Kung sa iba ay mga action figures, o di naman kaya ay vintage toys. Ibahin mo ang isang ginang sa Australia dahil mahigit 1,000 piraso ng Minion memorabilia ang naipon nito, dahilan para siya maging Guinness World Record holder sa titulong: “Largest Collection of Minions Memorabilia”.
Unang napanood ni Liesl Benecke ang Despicable Me noong 2010 at agad siyang na-obsess sa mga dilaw at cute na character na Minions.
Mula sa maliit na figurine, lumawak ang kanyang koleksiyon sa mga poster, stuff toy, keychain, damit, at maging Minion tattoo sa kanyang braso.
Dahil sa kanyang pagkahilig sa Minions, nakilala na siya sa tawag na “Minion Lady” sa kanilang opisina, at pati kanyang sasakyan at work desk ay puno ng display na Minions.
Ang kanyang paborito sa mga Minions ay si Stuart at madalas niyang isinasama ito sa road trips kung saan naka-seatbelt pa sa upuan!
May Minions siya mula sa iba’t ibang bansa tulad ng Japan, Italy, U.S., at Singapore. Isa sa pinakapinagmamalaki niya ay ang apat na Swarovski crystal Minions na itinuturing niyang pinakamahalaga sa kanyang koleksiyon.
Bagama’t may world record na siya, hindi pa rin siya titigil sa pangungulekta dahil nagbibigay sa kanya ng kakaibang saya kapag may bagong Minion na naidaragdag sa kanyang koleksiyon.