DAGUPAN CITY- Mahalagang bigyan-pansin sa paggunita ng Earth Day ang usapin sa mga problemang kinakaharap ng ating karagatan dahil ito ay may mahalagang tinutugunan sa paglaban sa climate change.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Rose Liza Eisma-Osorio, Acting Vice President ng Oceana, ang pangangalaga nito ay ang panunumbalik ng mga nasirang marine protected areas.

Aniya, nakakabahala na rin ang dumaraming datos na nagpapakita ng epekto ng problema sa karagatan na makapinsala sa malaking sektor ng pangingisda sa bansa.

--Ads--

Kabilang sa mga epekto ay ang coral bleaching o ang pagkasira ng mga coral reefs dahil sa umiinit na sea surface. Magdudulot ito ng pagkawala ng mga isda dahil ang coral reefs ay nagsisilbing tahanan ng mga ito.

Maliban pa riyan, nariyan din ang pagdami ng crown-of-thorns starfish na sumisira rin sa mga coral reef. Ang pagdami ng mga ito ay dulot naman ng overfishing kung saan kumokonti na ang natural predator nito.

Kanila naman inaalam ang pinaka-ugat ng mga problemang ito at kanila na rin ginagawan ng mga hakbang upang makapaghatid ng solusyon.

Pinaiigting rin ng kanilang organisasyon ang kanilang mga plataporma hinggil sa pagpapangalaga ng ating planeta.

Paalala naman ni Eisma-Osorio na iisa lamang ang ating planeta, o ang Earth, kaya dapat lamang na pangalagaan ito.