DAGUPAN CITY- Kapansin-pansin ang pagdami ng mga basura sa mga pampublikong mga sites at pagtatapon ng basura tuwing dumadalo sa mga religious events.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jove Benosa, Zero Waste Officer ng Ecowaste Coalition, kahit anumang okasyon, dagsa pa rin ang mga deboto, kaakibat nito ay ang pagdami ng mga basurang nagkalat.

Aniya, sa halip na iangat ang diwa ng pagiging makatao, kabaligtaran ang nangyayari, kung saan nag-iiwan ang mga tao ng basura sa mga simbahan, kalsada, at iba pang lugar ng debosyon.

--Ads--

Tatlong rehiyon umano ang na-monitor na may matinding problema sa naiwanang basura, partikular na sa mga plastik na gamit lamang minsan o single-use plastics.

Dagdag ni Benosa, responsibilidad ito ng lahat at hindi lang ng mga namamahala dito.

Nalalagay sa peligro ang kalikasan, kaya dapat nang bigyang pansin ang ganitong isyu lalo na’t papalapit na ang halalan kung kailan dagsa na naman ang mga tao sa mga pagtitipon.

Hinimok din niya ang mga organisasyon at pamahalaan na magtulungan upang maisulong ang best environmental practices at masigurong malinis at maayos ang kapaligiran.