Dagupan City – Nakibahagi ang Dagupan City Police Station, sa pangunguna ni PLT Garry F. Ferraro at sa ilalim ng superbisyon ni PLTCOL Brendon B. Palisoc, Hepe ng Pulisya, sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO) Visita Iglesia 2025 na may temang “Sama-samang Paglalakbay bilang Simbahan.”
Ang aktibidad ay isinagawa bilang paggunita sa Mahal na Araw at bahagi ng kampanyang Ligtas SumVac 2025 ng Philippine National Police (PNP), na layuning itaguyod ang mapayapa at mapagnilay na tag-init para sa buong komunidad.
Naglalayon din ang Visita Iglesia na palakasin ang ugnayan ng kapulisan at ng mamamayan sa pamamagitan ng mga gawaing makabuluhan at may pananampalataya. Ipinakita rin ng mga kalahok na pulis ang dedikasyon ng PNP sa pagbibigay ng serbisyong may malasakit at pananampalataya.
Kabilang sa mga binisitang simbahan ng mga kalahok mula sa iba’t ibang istasyon sa lalawigan ay ang St. Michael the Archangel Chapel sa Pangasinan PPO, Co-Cathedral Parish of the Epiphany of Our Lord sa Lingayen, Our Lady of Purification Parish Church sa Binmaley, St. John the Evangelist Cathedral sa Dagupan City, Saint Thomas Aquinas Parish sa Mangaldan, Saint Hyacinth Church sa San Jacinto, at ang Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag.
Ayon kay PLtCol Palisoc, ang mga ganitong aktibidad ay hindi lamang nagpapalalim ng pananampalataya ng mga kasapi ng PNP, kundi nagpapakita rin ng kanilang aktibong papel sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa komunidad.
Patuloy ang Pangasinan PPO sa pagtupad sa tungkulin nitong protektahan ang mamamayan, habang pinapalalim ang pananampalataya at pagtutulungan sa pamamagitan ng makabuluhang serbisyo publiko.