DAGUPAN CITY- Nagdulot ng dagdag kita sa mga local vendors ang pagdagsa ng mga deboto at turista sa bayan ng Manaoag ngayong Semana Santa.
Sa paligid ng The Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag, kabi-kabila ang mga panindang kandila, pagkain, at souvenir na pinagkakaguluhan ng mga bisita.
Ayon sa ilang mga nagtitinda, taon-taon nilang inaasahan ang Semana Santa bilang pinakamalakas na panahon para sa kanilang kabuhayan.
Ilang linggo bago magsimula ang Mahal na Araw, naghahanda na sila ng karagdagang stock at inaayos ang kanilang puwesto upang mas mapansin ng mga dumadating na deboto.
Para sa ilan, ito na ang pinakaabala ngunit pinakamasaganang linggo sa buong taon.
Makikita sa mga pangunahing kalsada at paligid ng simbahan ang mga pansamantalang tindahan.
Marami sa mga vendor ang galing sa Manaoag mismo, habang ang iba ay mula pa sa mga karatig-bayan at probinsya na bumibiyahe taun-taon upang magtinda tuwing Semana Santa.
Karamihan sa kanila ay nagtitinda mula madaling-araw hanggang hatinggabi, sinasamantala ang tuloy-tuloy na pag-agos ng tao.
Hindi lang mga produktong may kaugnayan sa pananampalataya ang mabenta, kundi pati mga pagkain at inuming panulak sa init.
Ang mga deboto ay karaniwang bumibili ng pasalubong o mga alaala ng kanilang pagbisita, dahilan upang mabilis maubos ang mga paninda.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bagamat may ilang paalala sa tamang lugar ng pagtitinda, sa kabuuan ay naging maayos ang daloy ng negosyo.
Nakatalaga ang mga puwesto para sa mga lehitimong vendor upang hindi makasagabal sa daanan ng mga deboto at upang mapanatili ang kaayusan sa paligid ng simbahan.
Dagdag pa rito, nakipag-ugnayan din ang ilang vendor sa iba pang ahensya upang makasigurong sumusunod sila sa mga panuntunan ng munisipyo.
Binigyang-diin ng mga opisyal na mahalagang balansehin ang pagbibigay ng oportunidad sa kabuhayan habang pinapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga bumibisita.
Sa dami ng dumadalaw ngayong taon, inaasahang mas mataas ang kabuuang kita ng mga nagtitinda kumpara sa mga nagdaang Semana Santa.