DAGUPAN CITY- Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang pamilyang Adalid na matagpuang buhay ang kanilang anak na si Edsil Adalid at ang asawa nito sa Myanmar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hermosila Adalid, ina ng isang Pilipino na nawawala sa Myanmar, panalangin nilang hindi negatibo ang kalalabasan ng pagbibigay ng DNA Samples sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong nakaraang martes, Abril 15, at magiging daan ito upang matagpuan buhay ang kanilang kapamilya.
Magiging matagal lamang aniya ang proseso na pagdadaanan nito dahil maaari pa itong tumagal ng 2 linggo hanggang 1 buwan.
Pinanghahawakan na lamang nila na hindi sila mawawalan ng update mula sa mga otoridad.
Samantala, hindi rin nawawala sa kanilang isipan ang isa pang posibilidad na hindi na makakauwing buhay ang kanilang anak at ang asawa nito.
Panalangin na lamang nila sa Diyos na kung ganito man ang mangyari, ay huwag lang sanang isa ang mga ito sa mga natabunan pa ng gumuhong gusali.
Gayunpaman, ipinagpapasa-Dyos na lamang nila ang magiging resulta at kakahantungan ng search and rescue operation.
Positibo o negatibo man, handa nila itong tanggapin at mananatiling buo ang kanilang pananalig sa Diyos.
Matatandaan na nitong March 28 nang yanigin ang Myanmar ng 7.7 Magnitude Earthquake kung saan ikinasawi ito ng libo-libong katao.