DAGUPAN CITY- ‎Patuloy ang pagpapatupad ng mga programa ng lokal na pamahalaan ng San Fabian para sa pangangalaga at pagpapaunlad ng sektor ng livestock sa bayan.

Ayon kay Johnny Jugo Paraan, Municipal Agriculutrist ng naturang bayan, kabilang sa mga programang ito ang regular na deworming, anti-rabies vaccination, at pamimigay ng bitamina para sa mga alagang hayop, bilang bahagi ng preventive measures upang mapanatili ang kalusugan ng mga ito.

Kasabay nito, kasalukuyang isinasagawa ng Municipal Agriculture Office ng San Fabian, sa pakikipagtulungan sa regional office, ang isang proyekto ng restocking bilang tugon sa naging epekto ng African Swine Fever (ASF). May nakalaang pondo na para sa nasabing proyekto at inaasahang makakapag-ani ng mga baboy ang mga benepisyaryo sa darating na buwan.

Pinagpaplanuhan din ng MAO San Fabian ang pagbibigay ng mga native na baboy sa mga tobacco farmers bilang alternatibong kabuhayan, lalo na’t ang pagtatanim ng tabako ay isang seasonal crop. Ang distribusyon ng mga baboy ay isasagawa sa ilalim ng roll-over scheme, upang mapalaganap ang lahi ng native na baboy sa buong bayan.

Patuloy ang ginagawang pag-aaral ukol sa programang ito, at inaasahang masisimulan ang pamamahagi ng mga baboy sa pagtatapos ng buwan ng Abril.