DAGUPAN CITY- Full-Force ang Land Transportation Office (LTO) Region 1 ngayon Semana Santa upang tiyakin ang kaligtasan sa mga kakalsadahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Danny Martinez, ang Director ng nasabing tanggapan, nagkaroon sila ng deployment sa mga terminals upang magpaalala sa pagsunod sa batas trapiko at maiwasan ang hindi inaasahang aksidente.

Aniya, nakahanda ang kanilang mga help desk na itinalaga sa lahat ng major terminal sa buong bansa.

--Ads--

Para sa tiyak pang kaligtasan, nagpapatupad sila ng pagbibigay kaalaman, partikular na sa mga road users, hinggil sa mga batas na nagbibigay proteksyon para sa gumagamit ng kakalsadahan.

Sa kanilang Oplan Byaheng Ayos ay sinisigurado nilang ‘road-worthy’ ang kalagayan ng mga bus at ang mga drayers ngayon Holy Week.

Kaugnay pa riyan, kanila rin tinitiyak sa Oplan Ilaw na may maayos at gumaganang headlights ang mga sasakyan upang maiwasan ang hindi inaasahang aksidente.

Hindi naman nila hahayaan na makabyahe ang mga bus na hindi nasa maayos na kalagayan at ipapalipat na lamang sa mas maayos na bus ang mga pasahero.

Nagsasagawa rin sila ng random drug testing sa mga terminals, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police. Binabalak nila na magtutuloy-tuloy ito at hindi lamang sa tuwing peak season upang hindi mapaghandaan ng mga terminal drivers.

Samantala, bumaba naman ang road fatalities sa rehiyon uno ng higit 6% at higit 4% naman para sa physical injuries and damage to properties, batay sa datos ng Regional Peace and Order Council.

Kanilang ipagpapatuloy ang mga programa at pagbibigay edukasyon, hindi lamang ngayon semana santa, upang hindi na tumaas ang nasabing datos.

Mahigpit naman nilang pinapaalala sa mga magmamaneho ang pagsunod sa DR.BLOWBAGSY, mas pinabuti ito kumpara sa BLOWBAGETS.

Ayon kay Martinez, nangangahulugan ang karagadagang D.R bilang Driver’s License at updated Registration. Habang ang BLOWBAGSY naman ay ang Battery, Lights, Oil, Water, Air, Gas, at Yourself. Ito aniya ang mga bagay na kailangan munang suriin kung handa ba ang sasakyan at ang sarili upang maging ligtas ang pagbyahe.