DAGUPAN CITY- Tinalakay ang kahalagahan ng Return-to-Work Assistance Program (RTWAP) ng Employees’ Compensation Commission (ECC) sa isang pahayag mula kay Dr. Randy Angelo Ponciano, Rehabilitation Case Manager ng ECC, Regional Extension Unit I.
Aniya na ang Llyunin ng programa na matulungan ang mga manggagawang nagkaroon ng work-related injuries na makabalik sa kanilang hanapbuhay sa ligtas at maayos na paraan.
Binibigyang-diin na hindi lamang ang mga empleyado ang nakikinabang dito, kundi maging ang kanilang mga tagapag-empleyo.
Nakatutulong ang RTWAP sa muling pagbabalik ng tiwala sa sarili ng mga manggagawa, lalo na sa mga naapektuhan ng aksidente o karamdaman sa trabaho at nabibigyang-daan nito ang pag-unlad ng kanilang self-esteem na kadalasang bumababa matapos ang insidente.
Ayon kay Ponciano, pinalalakas rin ng programa ang kanilang social connectedness dahil natutugunan ang kanilang pangamba na maging pabigat sa kanilang mga kasamahan at nagkakaloob din ang programa ng mas matatag na pinansyal na katayuan sa mga benepisyaryo.
Sa tulong ng RTWAP, naibabalik ang kanilang kakayahang kumita, na siyang nakapagpapagaan sa pangamba ng kanilang mga pamilya na tuluyang mawalan sila ng trabaho.
Dagdag pa niya na mabebenepisyuhan din ang mga tagapag-empleyo sa pamamagitan ng programang ito dahil nababawasan ang kanilang mga gastusin sa benepisyong kompensasyon dahil sa mas mabilis na pagbabalik-trabaho ng kanilang mga manggagawa.
`
Tinitiyak ng ECC na ang pagbabalik ng empleyado ay hindi magdudulot ng labis na epekto sa operasyon o pondo ng kumpanya.
Pinakamahalaga, nakapag-aambag ang RTWAP sa pagpapabuti ng reputasyon ng mga kompanyang bukas sa muling pagtanggap at pagbibigay-suporta sa mga manggagawang dumaan sa pagsubok.