DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang isang eksperto sa kalusugan na maging maingat sa paggamit ng mga gamot at pampahid tuwing may iniindang sakit sa balat.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Maritess P. Macaraeg, isang MD, DPDS, hindi mainam ang pagsasagawa ng self-medication o ang basta-bastang pag-inom at paglalagay ng gamot nang walang konsultasyon sa doktor.

Aniya, maraming mga pasyente ang dumaranas ng mas malalang kondisyon dahil sa maling paggamit ng mga gamot at topical creams na maaaring makairita o makasama sa balat lalo na kung hindi angkop sa kanilang karamdaman.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang ilang produkto na nabibili over-the-counter ay maaaring may malalakas na sangkap na hindi akma para sa lahat, lalo na sa mga taong may sensitibong balat o may iba pang iniindang kondisyon sa kalusugan.

Paalala naman niya sa publiko na huwag basta-bastang magtiwala sa mga nakikitang produkto online o mga “gamot” na inirerekomenda lamang ng mga kakilala.