Dagupan City – Nananatiling sapat ang suplay ng bangus sa lalawigan ng Pangasinan kasabay ng paggunita sa papalapit na Semana Santa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Christopher Aldo Sibayan, Presidente ng Samahan ng Magbabangus ng Pangasinan, sinabi nito na kapag dumarating kasi ang ganitong mga selebrasyon at paggunita, tinitiyak ng mga magbabangus sa lalawigan na kanila itong pinaghahandaan at sinisigurado na sapat ang stocks.

Dagdag pa rito ang papalapit ding selebrasyon ng Bangus Festival kung saan ay kasama rin ang kanilang samahan sa magbibigay ng suplay ng bangus sa lungsod.

--Ads--

Kaugnay nito, inaasahan naman aniya ang bahagyang pagtaas ng bangus, ngunit nilinaw ni Sibayan na hindi magiging problema ang overpricing dahil binabantayan na rin ito.

Kung saan ang presyo ng bangus ngayon ay pumapatak sa P150 hanggang P160 sa wholesale na naglalaman ng 2 piraso kada kilo. Habang kung sa retail price naman ay madaragdagan ito ng P10 hanggang P15.

Nanawagan naman si Sibayan sa retailers na maging patas sa mga mamimili sa pagdagdag ng mga presyo.

Habang pinagmalaki naman niya ang bangus ng Pangasinan, at aniya iba kasi ang kalidad ng tubig sa lalawigan kung saan ay mayroon ng available na pagkain sa katubigan.

Ipinaabot naman nito ang kaniyang pasasalamat sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa ipinapaabot na tulong sa mga magbabangus sa lalawigan.