DAGUPAN CITY- Makikipagtulungan ang mga kaanak ng mga Pilipinong patuloy pinaghahanap sa Myanmar matapos ang kamakailang 7.7 Magnitude Earthquake upang iberipika kung kabilang ang mga ito sa mga natagpuang labi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hermosila Adalid, ina ng isang Pilipinong pinaghahanap din sa nasabing bansa, tutulungan sila ng Department of Migrant Workers (DMW) na lumuwas patungong Manila upang magbigay ng DNA Sample.

Aniya, may mga labi kase na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan at magagamit ang kanilang DNA sample para sa kumpirmasyon.

--Ads--

Gayunpaman, hindi pa buong tinatanggap ng pamilyang Adalid na kabilang sa mga nasawi ay ang kaniyang anak kasama ang asawa nito.

Kinukumpirma pa din kase sa ilang mga ospital ang pagkakakilanlan ng mga pasyenteng foreigners.

Subalit, hindi pa rin maitago ng kanilang pamilya ang lungkot na kanilang nararamdaman. Kanila na lamang ipinagdadasal sa Diyos ang kaligtasan ng kanilang kaanak.

Samantala, hindi naman sila nawawalan ng balita hinggil sa sitwasyon sa Myanmar, partikular na sa isinasagawang search and rescue operations ng mga otoridad.

Nagkaroon sila ng isang group chat kasama ang embahada ng Pilipinas sa Yangon, Myanmar upang maghatid ng mga impormasyon.

Ginagamit din nila ito upang kumpirmahin ang mga impormasyon na kanilang nakikita o natatanggap online.