DAGUPAN CITY- Naninindigan ang Philippine Commission on Women na hindi dapat mahalal bilang opisyal ng gobyerno ang mga kumakandidato na tila kampante sa pagpapahayag ng mapag-alimura sa kababaihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ermelita Valdeavilla, Chairperon ng nasabign komisyon, hindi dapat hayaan na maging opisyal ng bansa ang may kaugalian na sumisira sa kahalagahan ng mga kababaihan at maaaring maging ugat ng pagkawatakwatak ng pamayanan.

Aniya, sa nasabing uri ng pagbibiro ay ipinapakita lamang nila na hindi sila dapat pagkatiwalaan ng mga botante dahil maaaring sinasalamin nito ang kanilang kaugalian sa kanilang pribadong buhay.

--Ads--

Giit niya, maliban sa sekswal na aniyo ng mga kababaihan ay hindi rin tama na gamitin ang itsura at katawan nito bilang pagpapatawa sa publiko.

Maaari lamang ito na maimpluwensyahan ang mga kabataan na gayahin ang hindi kaaya-ayang pagbibiro.

Aniya, maging ang mga kabataan ay alam na isang kamalian ang “misogynistic” na biro para sa isang may edad na at may hinahangad na posisyon sa gobyerno.

Kaya kanilang ipinapanawagan na itigil na nila ang ganitong uri ng pagbibiro bilang isang kandidato upang hindi na humantong sa hindi magandang usapan.

Malinaw rin kase na ito ay paglabag sa batas, partikular na ang Anti-Bastos Law.

Kung hihingi man sila ng paumanhin ay dapat nila itong kambalan ng pangako na magbibigay ng kabutihan sa mga kababaihan upang maging sinsero ito.

Iimbitahan naman nila ang mga ito sa isang gender sensitivity training upang maitama ang kanilang kaugalian at maiwasan na dumami pa ang kanilang mabibiktima.

Samantala, naniniwala naman si Valdeavilla na hindi ito papalampasin ng Commission on Election (COMELEC) o di naman sa Commission on Human Rights bilang ombuds agency para sa gender equality.

Nakikipagtulungan naman ang Philippine Commission on Women sa Comelec upang bantayan ang ganitong uri ng pahayag mula sa mga kumakandidato.

Paalala naman niya sa mga botante na makakaranas ng ganitong uri ng kandidato ay gamitin ang boto sa tamang tao.

Hindi dapat hayaan na malason ng mga hindi karapatdapat ang pamahalaan ng Pilipinas.