Nagkaroon na ng Bagong Parish Priest ang Our Lady of the Holy Rosary Parish Church sa bayan ng Manaoag sa isinagawang Solemn Eucharistic Celebration at Installation kamakailan.
Ipinakilala na sa mga mananampalatayang Katoliko si Rev. Fr. Jerone Reyes Geronimo, O.P. bilang bagong pinuno sa simbahan kung saan papalitan nito si Rev. Fr. Ramon T. Salibay, O.P. na matagal ding nanungkulan sa simbahan.
Pinangunahan ni Most Rev. Socrates B. Villegas, ang Arsobispo ng Lingayen-Dagupan ang nasabing seremonya na sinaksihan naman ng mga mananampalataya.
Napuno ng kagalakan at pasasalamat ang pagtanggap ng parokya sa bago nilang kura paroko.
Inaasahan nila na magdadala si Fr. Geronimo ng bagong sigla at pananaw sa pamumuno sa simbahan na magdadala ng mga natatanging aral sa pananampalataya.
Samantala, taos-puso namang pinasalamatan ang papalabas na kura na si Fr. Salibay sa kanyang dedikasyon at mapagkalingang pamumuno sa loob ng maraming taon.
Malalim ang marka ng kanyang paglilingkod sa mga puso ng mga mananampalataya, na nag-iwan ng pamana ng pananampalataya at pagkakaisa.
Patuloy na mananalangin ang parokya para kay Fr. Salibay sa kanyang susunod na misyon, nananalig na patuloy siyang gagabayan ng Diyos sa kanyang mga pagsusumikap gayundin ang panalangin sa bagong pinuno ng simbahang katoliko sa bayan ng Manaoag.