Dagupan City – Kaliwa’t kanan na ang ginagawang pangangampanya ng mga kandidato at kanilang supporters mapa-lokal man o national para sa nalalapit na eleksyon.

Kahit tirik ang araw sa kanilang pagmomotorcade at pagbabahay-bahay ay hindi naging hadlang upang mabisita ang kasulok-sulukan ng kanilang nasasakupan para maligawan ang mga botante.

Dahil dito, mataas ang posibilidad na maging biktima ang mga ito sa mga heat related diseases o illnesses gaya ng heat cramps, heat exhaustion, heat stroke, pagtaas ng altapresyon at iba pa ngayong nakakaranas ng mainit na temperatura.

--Ads--

Ayon kay Dr. Vivian V. Espino ang Officer in Charge ng Pangasinan Provincial Health Office na posible pang tumaas ang mga kaso nito sa lalawigan dahil sa mga ganitong aktibidad.

Sa tala ng kanilang opisina ngayong unang kwarter ng taon simula noong enero hanggang ngayon ay nasa 8 katao pa lamang ang nagpaospital dahil sa mga sakit na ito.

Kung ikukumpara sa nakalipas na taon ay mas mataas umano ngayon ng isang kaso.

Wala pa aniya silang naitatalang nasasawi dahil sa ganitong mga sakit dahil nabibigyan naman agad ng medikal na atensyon kapag dinadala sa ospital.

Saad pa nito na ang bayan ng Umingan, Mangatarem, Lingayen at San Carlos City ay may mga naitatalang kaso ng heat related illnesses sa lalawigan

Nagpaalala ito sa publiko kung hindi maiwasan ang paglabas ngayong mainit na panahon dapat laging may dalang tubig, mag-suot ng light color na damit, at huwag kakaligtaan uminom ng mga maintaince sa mga sakit na iniinda.

Maari ding mag-trigger ang ashma at mga sun burn kaya ugaliing maglagay ng sun screen protection para maiwasan din ang Skin cancer.

Bukod sa mga heat related diseases na nauuso ngayon ay nagpaalala din ang nasabing opisina sa posible namang pagtaas sa mga kaso ng food borne diseases at gastroenteritis dahil naman sa kinakain.

Nakukuha ang food borne disease sa mga pagkain na maaring mayroong sari-saring uri ng bacteria, viruses at parasite habang ang iba ay nakukuha sa mga lason, toxic o chemical na nahahalo sa tubig o pagkain kapag ito ay ipinasok sa katawan ng isang tao.

Maari itong magdulot sa pagkakaroon ng acute gastroenteritis na nauuso tuwing mainit ang panahon dahil sa pagkapanis ng pagkain at mga hindi tamang paghandle ng mga ibenebentang pagkain lalo na ang patok ngayong tag-init na halo-halo sa mga gagamiting yelo.

Ayon pa sa health official na tumataas ngayon ang bilang ng mga nagkakaroon ng acute gastroenteritis dahil sa mga mabilis na masirang pagkain kung saan may mga naitatala nang kaso ngunit hindi naman gaano malala kaya paalala nito na dapat maging maingat sa mga kinakain at iniinum upang hindi maisawalang bahala ang kalusugan.