Dagupan City – Pinangunahan ng Commission on Elections (COMELEC) San Fabian, katuwang ang Philippine National Police (PNP), ang matagumpay na pagpapatupad ng Oplan Baklas sa bayan.
Ayon sa PNP San Fabian, tinatayang nasa 517 ilegal na campaign posters at tarpaulins ang kanilang tinanggal mula sa iba’t ibang pampublikong lugar. Unang isinagawa ang operasyon sa mga barangay ng Ramon, Bolasi, Cayanga, at sa poblacion ng National Road.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mga kandidato at kanilang mga tagasuporta na sumunod sa mga patakaran ng COMELEC upang maiwasan ang anumang paglabag.
Samantala, tiniyak ng PNP San Fabian ang kanilang kahandaan sa pagpapanatili ng seguridad ngayong pormal nang nagsimula ang campaign period para sa mga lokal na kandidato. Ayon kay PLT Fidel Mejia, Duty Officer ng PNP San Fabian, patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon upang matiyak ang maayos at mapayapang kampanya.
Bukod dito, ipinaalala rin nila ang pagpapatupad ng election gun ban, na magtatagal hanggang Hunyo, upang mapigilan ang pagkalat ng loose firearms at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Hinihikayat naman ng PNP at COMELEC ang mga kandidato at mamamayan na magsagawa ng maayos at disiplinadong kampanya upang mapanatili ang kapayapaan sa buong bayan.