DAGUPAN CITY- ‎Inanunsyo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Mangaldan na itataas nila ang Blue Alert Level sa mga ilog na ginagamit na paliguan sa bayan bilang paghahanda para sa nalalapit na Mahal na Araw sa susunod na buwan.

Ayon kay Rodolfo Corla, ang LDRRMO Officer ng Mangaldan, patuloy na pinapayagan ang mga residente at mga bisita na maligo sa mga ilog, kabilang na ang Angalacan River. Gayunpaman, binigyan-diin niya na mahalaga na sundin ang mga payo ng mga awtoridad upang maging ligtas ang lahat sa pagliligo.

Ipinaliwanag ni Corla na batid ng mga responders ang mga bahagi ng ilog na malalim at mababaw, kaya’t makabubuti na sundin ang kanilang mga alituntunin.

Ayon pa sa kanya, araw-araw ay may mga tauhan mula sa kanilang opisina na naka-deploy sa lugar upang magbantay at tiyakin ang seguridad ng mga taong pumapasyal sa mga ilog.

Batay sa kanilang mga datos, isang bata ang naitalang nalunod sa naturang ilog mula sa bayan ng San Jacinto. Dahil dito, patuloy na nananawagan si Corla sa mga residente at turista na bibisita sa Angalacan River na mag-ingat at laging makinig sa mga tagubilin ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang insidente ng pagkalunod.