DAGUPAN CITY- Nanindigan ang Magnificent 7 na umaabot na sa 86% ang consolidated sa buong bansa at walang katotohanan ang ipinapanawagan ng Manibela na nasa 43% pa lamang ito.

Ayon kay Liberty De Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sa nasabing bilang ay binubuo ito ng 43% na kumpirmado na habang ang natitira ay may kakulangan lang sa dokumento.

Giit niya na hindi lamang ito naintindihan ng grupong Manibela kaya patuloy ang kanilang pagsasagawa ng transport strike.

--Ads--

Gayunpaman, hindi naman gaanong apektado ang mga mananakay dahil marami pa rin ang namamasadang jeepney.

Sa katunayan, marami naman ang nakikinabang sa proyekto ng consolidation kung saan hanggang sa ngayon ay pumapasada pa rin ang mga tradisyunal na jeepney.

Tiniyak rin ng Department of Transportation (DoTr) na walang matitigil sa PUV Modernization Program dahil patuloy ang kanilang pagtutok sa pagpapabuti ng transportasyon sa bansa. Hindi rin naman minamadali ng gobyerno ang pagpapalit ng mga sasakyan.

Saad pa niya na kung ititigil man ang nasabing programa ay magiging kawawa lamang ang malaking bilang na sumunod sa programa.

Maliban pa riyan ay mababaliwala rin ang layunin ng programa na sumunod sa Clean Air Act o ang pagkakaroon ng eco-friendly vehicle sa Pilipinas.