DAGUPAN CITY- Katakataka pa umano ang layunin ni Sen. Imee Marcos sa isinagawang imbestigasyon ng kamara sa pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Carlos Conde, Senior Researcher ng Human Rights Watch, naging pagkakataon ito para sa mga kaalyado ni Duterte para magpahayag ng mga kuro-kuro.
Aniya, karapatan man ito ng senadora bilang head ng Senate of Foreign Relations Committee na imbestigahan ito subalit lumalabas lamang na napopolitika ito.
Hindi rin kase nabigyan ng pagkakataon na dumepensa ang mga biktima ng Drug war subalit, tila ginamit ito para depensahan ang dating pangulo at si Vice President Sara Duterte.
Gayunapaman, wala naman nakikita si Conde na nalabag na karapatan sa nasabing imbestigasyon.
Ikinatuwa naman niya ang pag-amin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pagdinig na wala silang hawak na record na nagsasabing mga kriminal ang mga pinagpapaslang sa ilalim ng War on Drugs Campaign ng dating pangulo.
Sinabi rin ni Secretary of the Interior and Local Government Jonvic Remulla na may mali sa mga death records ng mga pinaslang noon kung saan iniiba ang dahilan ng pagkasawi ng mga biktima.
Kaya dapat lamang na magkaroon muli ng sapat na imbestigasyon ang mga kaugnay na ahensya para alamin ang mga tunay na ikinasawi ng mga biktima.
Hindi rin kase magawang magsampa ng kaso ang mga pamilya ng mga biktima dahil sa takot at sa walang kakayanang makakakuha ng abogado.
Maliban pa riyan ay hindi tuwid ang Justice System sa bansa kaya napakadaling maniobrahin ng mga nasa kapangyarihan.
Noong kasagsagan din kase ng drug wars ay napepeke ng mga kapulisan ang mga ebidensya para maging dehado ang panig ng mga biktima.