DAGUPAN CITY- Iba’t iba at marami na ang pamamaraan na maaring gawin sa isang deepfake video o image upang lubos na makaapekto sa magiging resulta ng nalalapit na National at Local Election (NLE) 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Wilson Chua, Managing Director at Co-founder ng Bitstop Inc., sa pamamagitan ng generative Artificial Intelligence (A.I) ay “one click away” na lamang upang makapaglabas ng video ng isang kilalang personalidad na tila nag-eendorso ng isang kandidato.

Aniya, hindi na ito bago at naranasan na sa ibang bansa, katulad sa India na ginamit ang isang namayapa na personalidad.

--Ads--

Kadalasan sa mga ito ay target nitong hikayatin ang mga matatanda na at wala gaanong kaalaman sa teknolohiya.

Gayunpaman, maaari pa rin makatulong ang isang generative A.I para mas mapalawak pa ang pangangampaniya ng isang kandidato.

Halimbawa na lamang ang paggamit nito upang maisalin sa ibang salita ang nasa video upang maintindihan pa ng mas malaking audience.

Saad niya, sa tulong ng makabagong teknolohiya ay mahirap na rin matukoy kung peke ba ang isang video o tunay. Subalit, kadalasan sa mga deepfake videos ay hindi halos nagkakasabay ang bunganga nito sa pagsasalita, gayundin sa ilang mga kilos.

Samantala, maaaring maging inspirasyon ng Pilipinas ang naging aksyon ng ibang bansa para maiwasan ang pagkalat ng mga pekeng video na naglalaman ng pekeng impormasyon.

Katulad sa bansang Taiwan, na may panukala na kinakailangan muna ng permiso mula sa isang tao bago gamitin ang kanilang itsura sa isang A.I Generated videos.

May kapareho man na batas sa Pilipinas subalit, aniya, kailangan pa ito pagtibayin lalo sa pamamagitan ng karagdagang mga probisyon.

Maliban pa riyan, kailangan din magkaroon ng sapat na edukasyon ang mga Pilipino hinggil sa Generative A.I.

Pinag-iingat din ni Chua ang mga tao mula sa mga peke at mapanirang impormasyon mula sa mga troll farms.

Aniya, hindi dapat madaling maniwala ang mga tao sa kanilang nababasa sa social media lalo na kung mula ito sa mga hindi katiwa-tiwalang source.

Kailangan matuto ang mga tao sa pagfact-check ng mga impormasyon bago maniwala at i-share ito.