DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagtutok ng mga awtoridad upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko sa bayan ng Calasiao, lalo na sa oras ng rush hour.

Ayon kay PLT. Noel Domalanta, Operation Officer ng Calasiao PNP, simula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi, ipinagpapaliban pa rin ang mga operasyon ng PNP upang tulungan ang mga motorista at makontrol ang mabigat na daloy ng sasakyan sa mga pangunahing kalsada, partikular sa bahagi ng junction.

Aniya na hanggang hindi pa maluwag ang daloy ng trapiko, katuwang pa rin nila ang POSO (Public Order and Safety Officers) sa pagsasagawa ng traffic management, at matapos ang alas-7 ng gabi, ang mga kapulisan na lamang ang nakatalaga upang mapanatili ang kaayusan ng trapiko.

--Ads--

Ani Domalanta, ito ay bilang bahagi ng kanilang responsibilidad upang mapabilis ang daloy ng sasakyan at maiwasan ang anumang aberya.

Isa sa mga pangunahing isyu na kinakaharap ng mga awtoridad ay ang mga motorista na humihinto sa mga hindi tamang lugar, dahilan ng pagkaantala sa daloy ng mga sasakyan.

Ang ilan aniya sa mga motorista ay humihinto sa mga lugar na hindi naman designated stop, kaya’t nadadagdagan ang pagbagal ng trapiko.

Dagdag pa niya na mahalaga na maging disiplinado ang bawat isa upang maiwasan ito.

Ayon sa PNP, nakatutulong din ang pagbabago sa sistema ng kalsada sa gabi.

Pagkatapos ng alas-7 ng gabi, nagiging 2-way ang mga kalsadang kadalasang isang direksyon lamang, na nagbibigay ng mas maraming ruta para sa mga motorista at nakakatulong sa pagpapabilis ng daloy ng sasakyan.

Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na patuloy na mag-ingat at sumunod sa mga alituntunin sa kalsada, lalo na sa oras ng pag-uwi ng mga estudyante at mga empleyado.

Tinututukan din ng mga kapulisan ang mga kalsadang may mataas na volume ng sasakyan at ang mga lugar kung saan maraming naglalakad upang masigurado ang kaligtasan ng lahat.

Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ng mga awtoridad na patuloy silang magmamatyag at magsisilbing gabay sa mga motorista upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa kalsada.