DAGUPAN CITY- Sa pagbubukas ng buwan ng Marso, agad na nagsimula ang mga paghahanda para sa pagdiriwang ng National Women’s Month sa ilalim ng Gender and Development (GAD) program ng Schools Division Office (SDO) ng Dagupan.

Ayon kay Anna Liza M. Chan, Assistant Schools Division Superintendent ng SDO Dagupan City, ang selebrasyon ng Women’s Month ay hindi lamang isang buwan ng pagkilala, kundi isang mahalagang pagkakataon upang palakasin ang karapatan ng kababaihan.

Layunin nitong ipakita ang dedikasyon ng bansa sa pagpapalaganap ng gender equality at empowerment ng kababaihan.

--Ads--

Kabilang sa mga aktibidad na isasagawa ay ang pagsusuot ng kulay lilang damit bilang simbolo ng paggalang sa mga kababaihan, mga workshop na nakatuon sa inclusion at equality, pati na rin ang community engagement programs kung saan makikibahagi ang buong komunidad ng SDO Dagupan.


Paalala naman ni Chan na ang mga aktibidad na ito ay may malaking kahalagahan dahil isa ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa sa pagsusulong ng karapatan at pagpapalakas ng kababaihan.