Dagupan City – Hindi dapat tinatangkilik ang Political Dynasty sa Pilipinas ngayong nalalapit na 2025 Election.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, wala umano itong magandang naidudulot sa bansa.
Batay na rin kasi aniya sa isinagawa nilang pag-aaral, lumalabas na walang anumang kabutihang nagawa ang pagtangkilik nito.
Bagama’t may batas nang nagsasabi na ipinagbabawal ang Political Dynasty sa ilalim ng 1987 Constitution – Section 26, wala naman aniyang specific na paliwanag at nakadepende pa rin ito sa pagdetermina ng saligang batas.
Sa bansa naman, tanging ang Sangguninang Kabataan lamang ang probisyon hinggil sa political dynasty sa ilalim ng Republic Act No. 10742 o ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015. Nangangahulugan na hindi maaaring magsilbi bilang SK chairman, SK kagawad, o kahit anong posisyon sa SK ang mga anak, asawa, o kamag-anak ng isang halal na opisyal ng barangay, lungsod, munisipalidad, o probinsya, pati na rin ng mga nakaupong konsehal o miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Ngunit paglilinaw ni Yusingco, bagama’t hindi pwedeng pagbawalan ang political dynasties na tumakbo sa eleksyon, pero nangangahulugan na obligasyon din ng botante iboto ang mga ito.
Kaugnay nito, sa mga tumatakbo naman aniya sa senate elections, ang daming kandidato na hindi dynasty, at nasa publiko na kung paano nila pipisilin ang mga kandidato.
Bagama’t nakakaklungkot aniya na ang mga ilang kabataan ay hindi alam ang kanilang responsibilidad sa pagpili ng kanilang iboboto. Malaki pa rin aniya ang tiyansa na matulungan ang mga ito sa pagiging matalinong pagboto.