DAGUPAN CITY- Hindi umano nakikita sa bahagi ng agrikultura sa National Budget ang sinasabi ng gobyerno na kani lang prayoridad ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, halos 3% lamang ng nasabing budget ang inilaan para sa sektor ng agrikultura sa bansa kung saan nasa P220-billion lamang.

Aniya, kung nasa 10% ito ay mas matitiyak na hindi malulugi ang mga magsasaka.

--Ads--

Maging ang basic na problema ng mga magsasaka ay hindi magawang matugunan ng gobyerno, kabilang na dito ang mababang presyo ng palay at ang irigasyon na hindi umaabot sa mga sakahan.

Giit niya na nakakahiya para sa Administrasyong Marcos na sisihin ang nagdaang administrasyon para sa hindi pag-unlad ng agrikultura ng bansa kung 3 taon na rin itong naupo bilang pangulo at maliban pa riyan, siya ang kauna-unahang pangulo na naging kalihim ng DA.

Gayunpaman, wala rin itong nagawa dahil maging siya ay sinusunod ang Rice Liberalization Law na ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Patuloy din ang implementasyon ng Executive order no.62 dahil lumaki ang foregone revenue ng bansa bunsod ng patuloy na pagpasok ng mga imported products.

Gayundin sa Land convertion use na nagdudulot ng pagbaha sa ilang lugar at pagkawala ng mga sakahan.

Saad pa niya, hindi rin naman maaasahan ang mga lawmakers ng bansa para gumawa ng batas para sa mga magsasaka dahil karamihan sa mga ito ay mga landlord at produkto ng political dynasty na pumasok sa kongreso para sa kanilang sariling interes.