Dagupan City – Nagpapakita ng pagiging epektibo ng mga kampanya sa pag-iwas ng sunog ang pagbaba ng bilang ng mga naitatsa Rehiyon 1 noong Enero at Pebrero ngayong taon ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Region 1.
Ayon kay FSInsp. Atty. Benrae Valmonte, Public Information Officer ng BFP Region 1, ang pagbaba ng bilang ng mga sunog ay dahil sa patuloy na kampanya ng BFP sa fire prevention at fire safety, kooperasyon ng publiko, mga government agencies, at ang tulong ng media sa pagpapakalat ng impormasyon.
Aniya na bumaba ang bilang ng mga kaso ng sunog mula 196 noong 2024 sa 133 ngayong 2025 sa parehong buwan.
Batay sa datos sa ngayong 2025 na 133 ang Pangasinan ang pinakamataas na may 74, sinundan ng Ilocos Norte na 27, Ilocos Sur na 24 at sa La Union ay 8.
Sa datos naman noong 2024 na 196 ang Pangasinan parin ang pinakamataas na nasa 120, sinundan ng Ilocos Norte na nasa 40, Ilocos sur 19 at sa La Union ay nasa 17.
Sa kabilang banda, kaya sa buwan ng Marso ang Fire Prevention Month ay dito nagkakaroon ng maraming kaso dahil sa Rehiyon noong nakalipas na taon ay nasa 156 na siyang pinakamataas sa lahat ng buwan sa taong iyon habang may naitala na ngayong taon sa buwan na ito na 4 pa lamang dahil hindi pa naman natatapos ang buwan.
Dagdag nito na karamihan sa mga sanhi ng sunog ay ang mga karaniwang problema gaya ng mga electrical problems at hindi wastong pagkaka-wiring, open burning, at unattended cooking.
Samantala, nagkaroon naman na aniya sila ng kaso ng kaswalidad sa nakalipas na buwan ngayong taon kung saan noong buwan ng Pebrero ay ang nangyaring sunog sa bayan ng Tayug dito sa Pangasinan na ikinasawi ng 3 indibidwal na mga bata.
Nagpapatuloy naman ang kanilang imbestigasyon dito upang malaman ang sanhi nito.
Saad pa nito na ang pinakamalala namang sunog na kanilang naitala ngayong taon sa nakalipas na buwan ay sa lalawigan ng Ilocos Norte na forest fire kung saan daan daang ektarya ang nasunog na tumagal ng ilang araw bago maapula.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman nito ang kalimitan na nagiging problema nila sa kanilang pagresponde ang mga sumusunod gaya ng hindi agad pagtawag sa kanilang opisina kung may sunog dahil karamihan aniya sa mga tao ay mas inuuna ang pagvivideo o live sa social media bago sabihin sa kanila.
Sumunod dito ang mga masisikip na daanan dahil karamihan sa kanilang mga sasakyan ay malalaki kaya hindi magkakasya sa makikipot na daanan at pagharang sa kalsada ng ilang motorista sa mga fire truck kaya ngtatagal ng ilang segundo o minuto dahil mahalaga ang oras sa kanilang operasyon.
Nagpaalala naman ito sa publiko na lagi aniyang isipin ang kaligtasan ng lahat kapag may sunog dahil mas mahalaga pa rin ang buhay kaysa mga ari-arian dahil walang maipapalit sa buhay na mawawala sa mga ganitong sakuna.