Talamak ngayong tag-init ang pagkakaroon ng iba’t ibang health related illnesses.
Gaya na lamang ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV Center for Health Development (CHD) Region 1 bagaman ay hindi pa opisyal na nagsisimula ang summer season kapag nakakaramdam naman ng ganitong init ng panahon ay maaaring maranasan ang nasabing mga sakit.
Kung saan ang heat cramps ay pananakit o pamumulikat ng kalamnan na maaaring mangyari sa kasagsagan ng pagsasagawa ng physical activity lalo na sa mainit na panahon. Habang ang
heat exhaustion naman ay ang lubhang pagkapagod dulot ng mainit na temperatura na maaaring mangyari naman kapag nagtagal ang tao sa init.
At ang heat stroke naman ay itinuturing na pinakamalubhang uri ng sakit kaugnay sa init lalo na kapag hindi nakayanan ng katawan na palamigin ang sarili ay maaari itong magdulot ng panganib.
Kaya’t panawagan ni Dr. Bobis na hangga’t maaari ay limitahan ang pagsasagawa ng mga outdoor activities sa pagitan ng 10 am – 4pm dahil dito kadalasang nararansan ang mainit na panahon.
Mainam din ng uminom ng maraming tubig, magsuot ng presko o magagaan na damit, iwasan ang mga dark color dahil mainit ito sa katawan. Kapag lalabas naman ay ugaliing magdala ng payong o di naman ay magsuot ng sumbrero.
Bukod dito aniya ay iwasan din ang pag-inom ng softdrinks, kape at alcoholic drinks.