Dumayo ang delegasyon ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan sa Subic Bay Venezia Hotel sa Olongapo, Zambales, para sa dalawang araw na Gender Sensitivity Immersion at Team Building na isinagawa. Ang aktibidad ay nilahukan ng mga department head, assistant department head, section chief, at mga kawani mula sa executive department at Sangguniang Bayan ng Mangaldan.

Layunin ng Gender Sensitivity Training na mapataas ang kamalayan at pang-unawa ng mga kawani ng LGU Mangaldan sa mga isyung kaugnay sa kasarian, pati na rin sa mga gender-related stereotypes at diskriminasyon.

Kasama na rito ang pag-aaral ng mga hakbang upang maisulong ang pantay-pantay na karapatan para sa lahat, anuman ang kanilang kasarian.

--Ads--

Ayon sa mga lider ng aktibidad, ang training ay nagbigay ng pagkakataon upang mapalakas ang samahan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan at makapagplano ng mga proyekto at aktibidad na magsusulong ng inklusibong kapaligiran sa bawat opisina.

Inaasahan ding mapapalakas ang teamwork at pagkakaisa sa mga tauhan upang mas epektibong magampanan ang kanilang mga tungkulin sa serbisyo publiko.