Kasalukuyang iniimbentaryo upang malaman kung gaano karami ang mga iligal na campaign materials at kung sino-sino ang mga kandidatong sangkot o may-ari ng mga ito sa isinagawang “Operation Baklas” sa mga pampublikong kalsada sa lungsod ng Dagupan.

Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento – Election Supervisor, COMELEC Dagupan City, ang mga nakolektang materyales ay mas marami kumpara sa naunang isinagawang operasyon dalawang linggo na ang nakalipas.

Aniya na sa nakaraang operasyon, maliit na bahagi lamang ng kalsada ang nadaanan, ngunit ngayon, dahil sa dagdag na mga personnel at mga grupo, mas malawak na ang nasasakupan ng baklasan.

--Ads--

Target umano ng mga awtoridad na makagawa ng 5 grupo upang matutukan at mabaklas ang mga iligal na campaign materials sa lahat ng kalsada sa buong lungsod.

Bilang bahagi ng kanilang mga hakbang, irereport sa Law Department ang mga nakolektang materyales at susuriin kung anong aksyon ang nararapat laban sa mga kandidato at kanilang mga campaign personnel.

Ang Comelec ay nagbibigay ng paalala sa mga kandidato at kampo nito na ang tamang sukat ng mga poster ay 2ft x 3ft lamang at ang mga ito ay maaaring ilagay sa mga itinalagang common poster areas o sa harap ng mga barangay hall at maaari lamang maglagay ng materyales sa mga pribadong ari-arian kung may pahintulot mula sa may-ari.

Dagdag pa ni Atty. Sarmiento na isinusulong din nila ang kanilang panawagan hindi lamang para sa mga kandidato, kundi pati na rin sa kanilang mga campaign personnel na tiyakin na maayos ang paglalagay ng mga campaign materials.

Nais nila aniya na mapanatili ang kaayusan at sundin ang mga regulasyon upang maiwasan ang mga election offense na maaaring i-file laban sa mga lumalabag.