Mga kabombo! Ano ba ang kaya mong gawin para ma-test ang patience ng mapapang-asawa mo?
Kaya mo bang iparanas sa iyung soon-to-be husband ang “pre-marriage test”?
Umabot kasi sa ganito ang ginawa ng soon-to-be bride, matapos na hamonin at hikayatin ang fiance na sumailalim sa electrical stimulation device sa maternity care para maranasan niya ang nararanasan ng mga kababaihan sa kanilang panganganak.
Ngunit sa hindi inaasahang pagakkataon, tila bangongot ito sa kanila dahil humantong sa intestine necrosis at emergency surgery ang lalaki.
Ayon sa ulat, hinikayat umano ng ina at kapatid ng babae na iparanas sa fiancé ang tindi ng labor pain upang masiguro na magiging maunawain ito bilang asawa. Bagamat tumutol sa simula, pumayag din ang lalaki sa kalaunan.
Ginamit ng babae ang isang electrical stimulation device sa maternity care facility na pagmamay-ari ng kanyang kapatid. Sa loob ng unang 90 minuto, unti-unting tinaasan ang intensity ng kuryente, bago isinagad sa maximum level sa sumunod na 90 minuto.
Ang labor pain simulation ay karaniwang ginagawa gamit ang TENS (Transcutaneous Electrical Nerve Stimulation) o EMS (Electrical Muscle Stimulation) device, na nagdadala ng electrical impulses sa tiyan upang iparanas kung gaano kasakit ang labor contractions.
Sa tamang paggamit, ligtas ito para sa pain management, pero kapag masyadong malakas o matagal, maaari itong magdulot ng matinding muscle strain, cramps, at sa malalang kaso, internal injuries tulad ng intestine necrosis.
Sa tindi ng sakit, napasigaw ang lalaki sa level 10, at halos hindi na makahinga sa level 12. Pagkatapos ng pagsubok, bagsak ito sa pagod at matigas na parang bato ang kanyang tiyan.
Kinagabihan, nagsimula itong makaranas ng matinding pananakit ng tiyan at paulit-ulit na pagsusuka. Bagamat lumakas kinabukasan, bigla namang lumala ang kanyang kondisyon kaya isinugod siya sa ospital.
Doon natuklasang nagkaroon siya ng intestine necrosis, dahilan upang isailalim siya sa agarang operasyon.
Sa galit ng pamilya ng lalaki, agad nilang tinapos ang engagement at ipinagbawal ang babae na bumisita sa ospital. Kasabay nito, naghahanda rin sila para sampahan ng kaso ang babae.
Ayon sa mga legal expert sa China, maaaring makulong ang babae ng hanggang tatlong taon at pagbayarin ng danyos kung itutuloy ng pamilya ng biktima ang kaso.