Dagupan City – Pinagbabaril ang 44-anyos na Barangay tanod na residente ng Barangay San Miguel sa bayan ng Calasiao na agad naman niyang ikinasawi.
Sa naging pahayag ni Plt. Col Ferdinand Lopez – Chief of Police ng Calasiao PNP, sa kanilang paunang imbestigasyon, nagpapahinga pa umano ang biktima sa kanilang kubo, hanggang sa dumating na ang dalawang suspek at dito na nga pinagbabaril ang biktima.
Matapos naman ang pangyayari, agad naman tumakas ang mga suspek. Dinala pa naman ang biktima sa pinakamalapit na hospital ngunit idineklara ring Dead on Arrival.
Lumalabas naman sa imbistigasyon na isa sa nakikitang motibo sa pamamaril ay ang galit ng mga suspek sa biktima, dahil napagbintangan umano siya na nagreport sa kanilang ilegal na gawain sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Matapos ang pangyayari, agad namang nagsagawa ang mga ito ng koordinasyon sa mga awtoridad na mga kalapit na istasyon upang magsagawa ng sabayang operasyon laban sa mga suspek.
At sa tulong na rin ng mga saksi, natukoy ng mga imbestigador ang isa sa mga suspek, na nagresulta sa pagkakahuli kay Jesus Rinijane, 32 anyos, isang tattoo artist at residente ng Brgy. Caranglaan, sa syudad ng Dagupan.
Ang nahuling suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Calasiao MPS habang inihahanda na rin ang kasong murder laban sa kanya at sa iba pang mga kasamahan nito.