Dagupan City – Isinagawa kamakailan ng Municipal Agriculture Office sa bayan ng Sta. Barbara, na pinamumunuan ni Municipal Agriculturist Oliver Jasmin, ang malawakang distribusyon ng pataba para sa mga benepisyaryo ng Hybrid Rice Seed Program.
Tinatayang humigit-kumulang 2,000 magsasaka mula sa 27 barangay sa nasabing bayan ang nakinabang sa nasabing hakbang.
Layunin ng proyekto na tulungan ang mga magsasaka upang mapabuti ang ani at mapalakas ang produksyon ng bigas sa bayan.
Ang distribusyon ng pataba ay bahagi ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapahusay ang sektor ng agrikultura at matugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka sa komunidad.
Bagaman matagumpay na naisagawa ang pamamahagi ng mga pataba, may ilan pa ring mga barangay ang hindi nakatanggap ng kanilang fertilizer vouchers, kaya naman tiniyak ng Municipal Agriculture Office na patuloy nilang pagtutulungan ang mga magsasaka upang matugunan ang natitirang pangangailangan ng mga benepisyaryo.