Dagupan City – Isinagawa ang Project HOPE: Healthy Oral Practices for the Empowerment of Students with Disabilities bilang bahagi ng Oral Health Month Celebration 2025 sa bayan ng Bayambang.
Pinangunahan ang proyekto ng municipal health officer ng nasabing bayan na si Dr. Paz Vallo.
Layunin ng aktibidad na ito na magbigay ng libreng dental services at itaguyod ang tamang pangangalaga sa ngipin para sa mga mag-aaral mula sa Inclusive Education Program ng Bayambang National High School.
Bukod sa dental check-up, ipinamigay rin ang oral hygiene kits, mga bitamina, at ilan pang mga kagamitan sa mga lumahok.
Ang mga natukoy na estudyanteng nangangailangan naman ng karagdagang paggamot ay isasailalim naman sa follow-up dental services.
Itinatampok ng Project HOPE ang patuloy na pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa kalusugan ng mga mag-aaral.