Dagupan City – Muling naging sentro ng talakayan ang kahalagahan ng makasaysayang EDSA People Power Revolution sa mga kabataan dahil sa pagdiriwang ng ika-39 na anibersaryo.
Kung saan ay naniniwala silang mahalaga ito upang mapanatili ang mga aral ng demokrasya at kalayaan sa kasalukuyang henerasyon.
Ayon kay Alexis Neil Casingal, isang College student, ang EDSA People Power Revolution ay isa sa mga pinakamahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Aniya, ito ay nagbigay daan sa kalayaan ng mga Pilipino upang ipahayag ang kanilang pagtutol laban sa diktadura at magtaglay ng isang maayos na pamamahala ng demokrasya.
Para kay Casingal, ito ay may malalim na kahalagahan sa mga kabataang hindi nakasaksi o hindi pa pinanganak noong mga panahong iyon dahil ito ay nagbigay ng kalayaan na noon ay mahirap makamtan ng mga Pilipino.
Batay sa mga naririnig niya mula sa mga nakatatanda, may mga aspeto ang EDSA Revolution na hindi kumpleto, ngunit para sa kanya, ito ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan at may malaking epekto pa rin sa kasalukuyang panahon.
Isa rin aniya itong paraan para sa mamamayan upang ipahayag ang kanilang pananaw at makiisa sa mga makatarungang layunin ng bayan.
Para naman kay Stephanie Marie Dacquel, ang EDSA People Power Revolution ay isang mahalagang pagdiriwang upang gunitain ang mga sakripisyo ng mga Pilipinong ipinaglaban ang kalayaan, hustisya, at karapatang pantao.
Para sa kanya, isang paalala ito ng kahalagahan ng mga sakripisyo ng mga naunang henerasyon, kaya naman isa sa mga natutunan ni Dacquel ay ang pagpapahalaga at hindi pagpapabaya sa bahagi ng kasaysayan na ito.
Dagdag pa niya, napakahalaga rin na hikayatin ang mga kabataan, lalo na ang mga wala nang ideya o hindi gaanong pinapahalagahan ang EDSA Revolution, na mag-aral tungkol dito.
May mga ilan aniya na nagsasabing wala itong saysay o hindi kapansin-pansin sa social media, ngunit ang mga kabataan ay dapat na magbigay pansin sa makulay at makapangyarihang kasaysayan ng EDSA.
Sa naging pahayag naman ni Joshua Eric Limon, ang mga Pilipino ngayon ay mas matapang at may boses na upang punahin ang mga pagkukulang ng gobyerno, pati na ang mga maling nagagawa nila na napapansin ng mga mamamayan.
Hindi na rin natatakot ang mga tao na makilahok sa mga rally o makialam sa mga isyung politikal, na isang magandang senyales na nagpapakita ng pagpapahalaga sa bansa.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Limon na ang EDSA People Power Revolution ay patunay ng lakas ng mamamayan sa pagpapahayag ng kanilang saloobin.
Aniya, mahalagang igunita ang EDSA Revolution taon-taon kung saan kanya ring hinihikayat ang bawat isa na maging mas politically aware at politically active, upang mapanatili ang demokrasya at patuloy na isulong ang mga makatarungang layunin para sa bayan.