Dagupan City – Posibleng makialam sa impeachment process ng senado at kamara ang supreme court laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Atty. Emmanuel Cera, constitutional lawyer, may posibilidad na makialam ang Korte Suprema sa proseso ng impeachment na kasalukuyang dinidinig sa Kongreso.

Bagamat ang Senado at House of Representatives ay mga co-equal branches ng Supreme Court, may mga probisyon sa Konstitusyon na nagpapahintulot ng ganitong interbensyon.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Atty. Cera na dahil sa karanasan ng bansa noong panahon ng Martial Law, ang mga political questions ay kadalasang hindi pinakikialaman ng korte. Gayunpaman, kung may grave abuse of discretion na ginawa ng Senado o Kamara, maaaring magbigay ng aksyon ang Supreme Court sa mga petisyon na inihain laban sa impeachment process.

Ang isyu ay nagsimula nang batikusin ni VP Duterte ang proseso ng impeachment. Sinusuri ngayon kung nagkaroon ng pang-aabuso sa kapangyarihan o sobrang pagpapasya ang Kamara sa mga hakbang na kanilang ginawa.

Sa ganitong sitwasyon, maaaring magbigay ng restraining order ang Supreme Court para pabilisin o pigilan ang proseso depende sa merito ng mga petisyon.

Sa kasalukuyan, parehong panig ay pinagkokomento ng Supreme Court, na maaaring magdulot ng komplikasyon kung ang mga sagot ay magkaiba o magdulot ng dagdag na isyu. Kapag na-transmit na ang Articles of Impeachment sa Senado sinabi ni Cera na kinakailangang magsimula agad ang impeachment trial, ayon sa mandato ng Konstitusyon.

Matatandaan na sinabi rin ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa kanyang liham kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na kailangang magsimula agad ang impeachment trial alinsunod sa Section 3(4), Article XI ng 1987 Constitution. Nakasaad dito na kapag naisumite na ang Articles of Impeachment ng hindi bababa sa isang-katlong miyembro ng Kamara, kailangang “forthwith” o agarang simulan ang paglilitis.

Sa kabila ng mga posibleng komplikasyon, tiniyak ni Atty. Cera na hindi ito magdudulot ng constitutional crisis, at anuman ang maging resulta ng mga petisyon, tuloy pa rin ang impeachment trial. Ang mga senador lamang ang may mandato na humawak sa paglilitis, at hindi ito mababago kahit mapalitan pa ang mga miyembro ng Senado.