Dagupan City – Matagumpay na isinagawa ng pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang groundbreaking ceremony para sa itatayong 11-storey Government Center/Tower at Convention Center sa Provincial Capitol Complex sa Lingayen.

Ang proyekto ay itinuturing na isang hakbang tungo sa mas modernong operasyon ng pamahalaan. Ayon sa naging mensahe ni Engr. Nathaniel Mariano, Presidente at CEO ng FADZ Construction Inc. na siyang contractor ng proyekto, ipinaabot nito ang kaniyang pasasalamat sa tiwalang ibinigay ng KAEL Construction Supply bilang katuwang sa pagsasakatuparan ng proyekto.

Dito na rin hinikayat ni Mariano ang lahat na magtulungan para sa matagumpay na pagkumpleto ng proyekto na may layuning mapaunlad ang ekonomiya ng lalawigan.

Ayon naman kay Pangasinan Gov. Ramon Monmon Guico III, mayroong nakalaang P2 bilyon para sa unang phase ng Government Center/Tower at P13 milyon naman para sa unang bahagi ng Convention Center, na sakop ang konstruksyon ng mga pangunahing estruktura.

--Ads--

Kung saan inaasahang matatapos ang mga ito sa loob ng isang taon, habang ang buong proyekto naman ay inaasahang makukumpleto sa loob ng tatlo hanggang apat na taon.

Binigyang-diin ng gobernador na ang proyekto ay magbibigay ng modernong pasilidad at karagdagang espasyo para sa mga operasyon ng mga ahensya ng gobyerno.

Sa ngayon, ang mga opisina ay nakakalat sa iba’t ibang gusali, kaya’t ililipat ang mga ito sa isang vertical na estruktura para sa mas episyenteng operasyon.

Bukod dito, magdudulot ng benepisyo ang proyekto sa mga economic enterprises ng lalawigan gaya ng mga salt farms, ospital, at Pangasinan Polytechnic College.

Mananatili naman ang kasalukuyang Kapitolyo bilang bahagi ng kasaysayan ng Pangasinan. Gagamitin pa rin ito para sa mga programa at aktibidad ng gobyerno at ipre-preserba bilang isang makasaysayang gusali.

Kaugnay nito, umaasa naman ang pamahalaan na magbibigay ito ng positibong epekto sa ekonomiya ng probinsya sa sandaling makumpleto ang nasabing proyekto.