DAGUPAN CITY- Nakapagtala ang rehiyon uno ng 92% pagtaas ng kaso ng dengue kumpara sa datos noong 2024.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV sa Department of Health Region 1, lumalabas sa pinakahuling datos na umaabot na sa 748 na kaso ng Dengue sa rehiyon.

Aniya, nangunguna ang lalawigan ng Pangasinan na may 384 na kaso at karagdagang 47 sa syudad ng Dagupan. Sinusundan naman ito ng La Union na may 148, 115 sa Ilocos Sur, at 54 naman sa Ilocos Norte.

--Ads--

Nakapagtala na rin ng 4 na pagkasawi sa Pangasinan, 1 sa syudad ng Dagupan at 1 rin sa La Union.

Karamihan sa mga kaso ay nasa edad 5-9 taon gulang at 10-14 taon gulang.

Samantala, makakapagdeklara lamang ng Dengue outbreak kung ang kasalukuyang datos ay mas mataas kumpara sa mga datos sa nakaraang 5 taon.

Sa ngayon ay wala pang indikasyon na magrerekomenda ng deklarasyon sa rehiyon uno dahil mas mababa pa rin ang mga naitalang kaso.

Kaya kanilang ginagawan na ito ng aksyon upang mapigilan ang paglobo pa nito. Kabilang na sa mga ito ay ang pagpapalakas ng mga ospital, tulad ng pagkakaroon ng dengue fastlanes. Nagpapaalala na rin sila sa regular na kalinisan sa kapaligiran.

Saad pa ni Bobis, agad lumapit sa ospital sa oras na makitaan ng sintomas dahil ito ay nakamamatay kung hindi nabigyan ng agarang atensyong medical. Ang ilan sa mga sintomas ay ang pagkakaroon ng lagnat, pagsakit ng tyan, at pagdurugo ng ilong o gilagid.

Pinabulaanan naman niya ang ilang maling paniniwala hinggil sa pagpapagaling ng Dengue kung saan walang pagkain, tulad ng itlog pugo, ang makakatulong upang pataasin ang platelet ng isang tao upang gumaling mula sa nasabing sakit.

Hindi rin kinakailangan ng anti-biotic dahil ito ay mula sa isang virus at hindi sa bacteria.. Kaya mas mainam ang pagsesuero upang mapanatili ang hydration ng pasyente.