DAGUPAN CITY- Naaresto ang isang pamilya dito sa lungsod ng Dagupan dahil sa pagkakasangkot sa illegal na aktibidad kung saan nadismantle dito ang kanilang tahanan na nadiskubre bilang drug den.

Nangyari ang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng pinagsamang puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Pangasinan Provincial Office (PDEA-PANG PO), Dagupan City Police Station (DCPS), at PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Unit 1 (PDEG-SOU 1) kahapon.

Ayon kay Mariepe De Guzman ang Public Information Officee ng PDEA Region 1 na nangyari ito sa Barangay Bacayao Norte kung saan nasa apat na suspek ang naaresto at nakumpiska dito ang nasa anim na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P54,400 halaga ng shabu.

--Ads--

Kasama din sa nakuha ang iba’t ibang drug paraphernalia, isang pouch, isang bundle ng plastic sachet, P868 cash, isang itim na motorsiklo, susi, at ang buy-bust money.

Kinilala ang mga suspek na sina Joselito S. Ventura 54- anyos na siyang pangunahing tagapag-alaga ng drug den o ama sa pamilya, Delia V. Ventura, 51 anyos kasama sa pag-aalaga ng drug den o ang ina, John Carlo V. Ventura 22-anyos ang kanilang anak na siyang empleyado na din sa drug den habang ang isa ay si Marvin Arenas, 32- anyos isang bisita sa drug den na bumibili sa araw na iyon ng illegal na droga.

Lahat ng mga suspek dito ay pawang residente sa nasabing barangay dito sa lungsod maliban kay Arenas na residente sa bayan ng Calasiao.

Saad pa ni De Guzman na sa pakikipagtulungan ng komunidad na nagbigay ng impormasyon tungkol dito ay nawasak ang drug den sa lugar.

Dagdag nito na noong enero ngayong taon ay nagsimula na itong minanmanan ng mga awtoridad hanggang sa ito ay nagkaroon ng positibong resulta kaya nakapagkasa na ng operasyon sa mga ito.

Samantala, masasabi umano na malaki ang nakukuha ng mga suspek sa kanilang illegal na negosyo at madami din ang nagiging parokyano dito kung saan baka mga taga-dagupan o kalapit na lugar sa lalawigan ang mga nagiging parokyano nila.

Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kasalukuyan na silang nakakulong sa PDEA Pangasinan Provincial Office jail facility sa lungsod ng Urdaneta.