Dagupan City – Habang papalapit ang Araw ng mga Puso, hindi kasing-ingay o engrande ang selebrasyon sa England kumpara sa ibang bansa.

Ayon kay Eisle Molina, Bombo International News Correspondent sa London, kadalasang nagdiriwang ang mga tao sa pamamagitan ng simpleng dinner date sa labas o pag-aadvance ng kanilang mga party, lalo na’t Sabado lang ang kanilang day-off.

May ilan ding kabataang nagbabake ng mga heart-shaped treats bilang bahagi ng selebrasyon. Gayunpaman, wala halos malalaking Valentine’s parties sa mga hotel, at hindi ito kasing-buhay ng mga pagdiriwang sa ibang bahagi ng mundo.

--Ads--

Karaniwang destinasyon para sa mga gustong mamasyal ang London Eye, ngunit dahil sa hindi magandang panahon, kakaunti lamang ang namamasyal sa lugar.

Sa halip din na sa mismong Pebrero 14, mas pinipili ng ilan na ipagdiwang ito tuwing weekend para mas convenient.

Wala ring gaanong pamahiin tungkol sa Valentine’s Day ang mga Briton. Para sa mga single na naghahanap ng karelasyon, mas popular ang paggamit ng dating apps o pagpunta sa bars para makilala ang posibleng ka-match.

Samantala, sinabi ni Molina na maayos naman ang kanyang puso ngayong nalalapit ang Araw ng mga Puso, patunay na hindi kailangang engrande ang selebrasyon upang maramdaman ang tunay na diwa ng pagmamahal.