DAGUPAN CITY- Nakikitang politika lamang ang isang impeachment case na may layuning magtanggal ng isang nakaupo sa pwesto at hindi parusahan sa isang kaso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Edward Chico, isang law professor at political analyst, mas mainam na magsampa ng kasong kriminal o di kaya’y kasong sibil o administratibo kung matibay naman na nahaharap ito sa kurapsyon.
Aniya, kung sakaling maconvict ito, hindi na rin ito makakatakbo pa sa susunod na halalan lalo na ang 2028 Presidential elections.
Gayunpaman, tila hindi naman interesado ang senado na magkaroon ng impeachment court dahil nagmumukhang ‘weird’ ang impeachment case ng bise presidente sapagkat gahol na rin sa panahon.
Kaya man nilang magbukas ng special session, subalit hindi na nila ito mahaharap dahil sa nalalapit na National, Local and BARMM Elections.
Kung sakaling bubuksan naman ito, mamadaliin lamang at maaari pang magkaroon ng ‘public backlash’ dahil sa malaking tao at pangalan ang dawit.
Kinakailangan din na mag-refile upang mabuksan uli ang kaso, batay sa tamang proseso dahil sa pagtatapos ng session ng senado.
Maliban pa riyan, kinakailangan din tignan kung pabor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapatuloy ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.