DAGUPAN CITY- Inaprubahan na ng Municipal Development Council (MDC) ang supplemental budget no.1 ng Mangaldan na may halagang P2.33 milyon para sa mga programa sa kalusugan, nutrisyon, at paghahanda sa mga sakuna ng lokal na pamahalaan. Ang pondo ay mula sa lotto at small-town lottery (STL) shares ng lokal na pamahalaan mula sa Charity Fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Calamity Assistance mula 2018 hanggang 2022.
Pinangunahan ni Municipal Administrator Atty. Teodora S. Cerdan ang pagpupulong kasama si Project Development Officer Alcir M. Romero. Ang malaking bahagi ng pondo, na nagkakahalaga ng Php 1.2 milyon, ay gagamitin para sa pagbili ng mga gamot na kailangan sa mga medical at dental mission ng lokal na pamahalaan. Ang mga misyon na ito ay isinasagawa tuwing linggo.
May karagdagan pang Php 500,000 na ilalaan para sa hospitalization bills ng mga Mangaldanian na nangangailangan, habang Php 510,960.67 naman ang ipagagamit sa mga feeding program, nutrition, at community pantries. Bilang paghahanda sa mga sakuna, naglaan din ang konseho ng Php 116,366.35, na katumbas ng 5% ng kabuuang pondo, para sa mga gamot na gagamitin sa disaster relief operations ng lokal na pamahalaan.