Dagupan City – Patuloy na pinapalakas ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang kanilang pangako sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa kanilang mga mamamayan.

Sa unang linggo ng Pebrero, muling sinimulan ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB), isang programang unang ipinatupad noong 2018 upang ilapit ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga liblib na barangay.

Sa unang yugto ng KSB Year 8, ang KSB Team ay nagtungo sa Brgy. Pantol at Brgy. Caturay upang maghatid ng libreng serbisyo sa mga residente. Ilan sa mga serbisyong inihandog ay ang libreng medikal at dental check-up, pagbabakuna para sa mga alagang hayop, pag-renew ng business permits, at iba pang mahahalagang serbisyo mula sa iba’t ibang opisina ng munisipyo at ahensya ng gobyerno.

--Ads--

Layunin ng programang ito na tiyaking may pantay na access ang lahat ng residente, lalo na ang mga nasa malalayong lugar, sa mga serbisyong kinakailangan nila. Ayon sa lokal na pamahalaan, ang patuloy na pagsasagawa ng KSB ay isang konkretong patunay ng kanilang malasakit at dedikasyon sa pag-aalaga sa mamamayan ng Bayambang.

Sa bawat taon, patuloy na lumalawak ang saklaw ng programa, na nagdadala ng mas maraming solusyon at ginhawa sa mga residente ng bayan.