DAGUPAN CITY- Dalawang beses na kung mag-spray ang mga magsasaka sa Pangasinan para lamang labanan ang epekto ng kurikong sa kanilang mga pananim na mangga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Perfecto Liquiran, Spokesperson ng Pangasinan Mango Farmers Association, may ilan na kase silang mga pananim na labis nang nasira at nabulok dahil sa kurikong at nakaapekto sa kanilang pagbebenta.

Aniya, maliit pa lamang ang bunga ng kanilang tanim ay inaatake na ito ng kurikong subalit, hindi naman nila ito mabalutan ng proteksyon dahil magdudulot din ng pinsala sa bunga.

--Ads--

Ani Liquiran, isa ito sa kanilang problema na kinakaharap sa pagmamangga.

Maaari naman itong maiwasan sa pamamagitan ng paglilinis ng mga damuhan na kadalasan nilang pinagtataguan.

Ang Cecid Fly o kurikong ay isang insekto na itsurang parang lamok. Kadalasan itong namemeste sa mga pananim tuwing tag-ulan o taglamig. Sa tuwing gabi rin ang pag-atake ng mga ito.

Maliban pa riyan, malaki rin problema ang dulot ng harabas o armyworm sa kanilang pananim dahil sa wala itong pinipiling panahon.

Ang kinaibahan nito sa kurikong ay nagagawa pa rin nito na pasukin ang proteksyon ng kanilang mangga dahil gumagapang lamang ang mga ito.

Kadalasan nila itong nararanasan sa tuwing namumulaklak na ang kanilang pananim.

Samantala, hinihikayat ni Liquiran ang kaniyang kapwa magsasaka na makipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA) at pamahalaan dahil namamahagi ang mga ito ng ayuda.

Aniya, bukas ang mga ito para mamigay ng suporta sa kanilang pangangailangan tulad ng fertilizers.