Dagupan City – Patuloy ang pagsasagawa ng PAMANA Water Dagupan City Water District ng mga hakbang upang matiyak na ligtas at dekalidad ang kanilang serbisyo sa tubig para sa kanilang mga konsyumer.
Ayon kay Marge Navata, Head ng Marketing and Public Relations ng nasabing distrito, kabilang sa kanilang mga hakbang ang pagtatayo ng sariling laboratoryo upang regular na masuri ang kalidad ng tubig at matiyak na ito ay sumusunod sa mga pamantayan ng kaligtasan.
Gayunpaman, inamin ni Navata na may mga pagkakataong nagkakaroon ng sand pumping, isang di-inaasahang pangyayari na maaaring magdulot ng kontaminasyon sa tubig.
Upang maiwasan ito, nag-install ang kanilang tanggapan ng sand separator at mga sandbag na may manipis na tela bilang dagdag na panala sa buhangin. Pinapayuhan din nila ang mga residente na gumamit ng strainer sa kanilang mga gripo upang higit pang mapigilan ang posibleng kontaminasyon. Tiniyak naman ni Navata na hindi ito pangkaraniwan at bihirang mangyari.
Samantala, dahil sa kasalukuyang mga konstruksyon sa kalsada sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, sinasabayan na rin ng PAMANA Water ang pagsasaayos at pagpapalakas ng kanilang mga tubo upang mapabuti ang kalidad ng serbisyo. Kasama rito ang pag-upgrade ng mga linya ng tubig upang masigurong matibay ang mga ito at hindi magiging sanhi ng problema sa hinaharap.
Bukod dito, kabilang din sa mga plano ng water district ang paggalugad sa potensyal ng Brgy. Island, partikular sa Brgy. Carael, kung saan natukoy nila ang magandang geo-resistivity na maaaring mapakinabangan para sa mga proyekto ng tubig.
Dagdag pa rito, binibigyang-diin din nito ang kahalagahan ng water conservation at ang regular na pagsusuri ng metro ng tubig upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng konsumo.