DAGUPAN CITY- Nagkapagtala nanaman ng aksidente sa kalsada ang bayan ng Rosales na nangyari sa kahabaan ng Barangay Carmen East.
Ayon kay Pcpt. Eugene Romma Lete Navalta ang Deputy Chief ng Rosales Municipal Police Station, kinasangkutan ito ng 18-anyos na lalaki na residente din sa parehong bayan dahil sa pagmamananehong nakainom.
Ayon sa imbestigasyon ng kapulisan sumalpok ang minamanehong motorsiklo ng nasabing biktima sa puno ng acacia dahil nawalan ito ng kontrol sa handle ng kanyang motorsiklo.
Dahil sa nangyari, nakapagtamo ito ng matinding tama sa kanyang ulo kaya isinugod agad ito sa ospital ngunit ideneklara na itong dead on arrival.
Napag-alaman na ito ay walang suot na helmet at nasa impluwensya ng alak sa mga oras na iyon.
Nagpaalala naman ang kapulisan na ugaliing maging maingat sa kalsada at huwag magmaneho ng nakainom.