DAGUPAN CITY- Inihayag ng Nueva Ecija Police Provincial Office na nagpapatuloy pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa posibleng dahilan ng pagbagsak ng isang helicopter na ikinasawi ng sakay nito sa bayan ng Guimba.

Matatandaang noong sabado unang araw ng Pebrero bandang alas-5 ng hapon ay hindi inaasahang may bumagsak na isang private helicopter na may body number RP-C3424 sa sapa sa sitio Arimung-mong, Barangay San Miguel sa nasabing bayan.

Napag-alamang nasawi ang sakay nito na isang babae na kinilalang si Julia Flori Monzon Po, 25-anyos, residente sa ParaƱaque City na piloto ng sikat na personalidad.

--Ads--

Ayon kay Pcapt. Noemi Gogotano, Public Information Officer ng Nueva Ecija Police Provincial Office, agad nirespondihan ng kanilang kasamahan mula sa Guimba Municipal Police Station ang nasabing pangyayari.

Aniya, wala pang resulta hanggang ngayon sa posibleng sanhi ng aksidente dahil kumukuha pa lamang sila ng sapat na impormasyo upang maging malinaw ang dahilan ng insidente.

Samantala, pagbabahagi nito na hindi na ito ang unang pagkakataon na may bumagsak na sasakyang panghimpapawid sa kanilang nasasakupan dahil sa pagkakatanda nito ay may nangyari na ring plane crash noong 2016 sa bayan naman ng Rizal.