Dagupan City – Hindi sang-ayon ang Kontra Daya sa Oplan Katok para sa nalalapit na halalan sa Mayo 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Danilo Arao – Convenor ng Kontra Daya, nanindigan itong maling-mali ang pagpapatupad umano ng pagkatok ng mga kapulisan sa bawa’t tahanan ng publiko.

Ang Oplan Katok ay isang kampanya ng Philippine National Police (PNP) kung saan pinupuntahan nila ang mga bahay ng may-ari ng baril upang ipaalala ang renewal ng kanilang lisensya at pagsuko ng mga hindi na-rehistrong armas.

--Ads--

Una sa lahat aniya, safe space umano tahanan, at malinaw na nagkaroon na rin ng trauma ang publiko sa mga kapulisan dahil sa nagdaang isyu na Oplan Tokhang.

Aniya, may ibang paraan para maipatupad umano ng tama ang gunban at hindi na kinakailangan pang isa-isahin ang bawa’t bahay.

Lalo na ngayong nalalapit na halalan, sinabi ni Arao na maaring gamitin itong pagkakataon ng mga mapagsamantala na magreresulta naman sa karahasan o ang bansag na imbis Oplan katok ay magiging “Oplan takot”.

Nauna naman nang hinikayat ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia ang PNP na pansamantalang itigil ang pagpapatupad ng Oplan Katok para sa nalalapit na halalan sa Mayo 2025.

Samantala, hindi naman pabor ang grupo sa pag-asa na lamang ng resulta sa makinarya, dahil una sa lahat aniya, hindi rin ito garantiya kung ito ba ay may kredibilidad at walang halong pandaraya.