Dagupan City – Sa pangunguna ni PMaj Rommel DL Sembrano, ang siyang Chief of police ng Urbiztondo Municipal Police Station, itinayo ang mga PNP “Pulis ng Pangasinan, Magaling at Maasahan” Outpost sa iba’t ibang bahagi ng bayan bilang bahagi ng isang proyekto na naglalayong mapaigting ang presensya ng pulisya sa lugar.
Ang proyektong ito ay isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Urbiztondo sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Modesto M Operania.
Ang mga outpost ay itinayo sa Barangay Dalanguiring, Malaca, at Barangay Poblacion, upang masiguro na ang mga pulis ay nakikita at nararamdaman sa mga lansangan. Dagdag dito, ang Highway Police Assistance Desk (HIPAD) sa bayan ay nauna nang pinaganda at pininturahan bilang bahagi ng proyekto.
Ang layunin ng proyektong ito ay mapaigting ang presensya ng pulisya sa bayan, alinsunod sa programa ni Provincial Director Pcol Rollyfer J Capoquian para sa lalawigan ng Pangasinan. Inaasahan na ang proyektong ito ay magpapadali sa pag-access ng mga tao sa mga serbisyo ng pulisya at magpapabilis sa pagresponde ng mga pulis sa mga insidente sa lugar.