Dagupan City – Nagsagawa ng mahalagang pagpupulong ang Rural Health Unit (RHU) ng Bayambang kasama ang mga Barangay Health Workers (BHWs) at Barangay Nutrition Scholars (BNSs) upang talakayin ang mga programang pangkalusugan para sa unang bahagi ng taon.
Sa naturang pulong, binigyang-diin ang mga tungkulin ng BHWs at BNSs bilang tagapagtaguyod ng kalusugan sa barangay, kabilang ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon ukol sa nutrisyon at pagsuporta sa mga kampanya ng pamahalaan. Inatasan din silang magsagawa ng risk assessment para sa mga mamamayang 20 taong gulang pataas upang matukoy ang may chronic diseases.
Isa rin sa mga inilatag na programa ay ang medical mission na magbibigay ng libreng laboratory tests, check-ups, deworming para sa mga batang 1-12 taong gulang, at iba pang serbisyong medikal. Kasama rin dito ang dental check-ups at pagsusuri sa nutritional status ng mga bata.
Dagdag pa rito, pinagtibay rin ang mga programang may kaugnayan sa mental health, reproductive health, at pagpili ng healthy lifestyle.
Binigyang-pansin din ang kampanya kontra rabies, na may kasamang pagpapabakuna ng mga alagang hayop at paalala sa tamang pag-iwas sa kagat ng aso o pusa.
Patuloy namang makikipagtulungan ang mga BHWs at BNSs sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos at epektibong implementasyon ng mga programang pangkalusugan sa kanilang mga komunidad.